Pelikula sa UP, pakikialaman narin ng MTRCB?

Reposting from Pinoy Weekly Online

SA UNIVERSITY of the Philippines (UP) Film Institute ipinalalabas ang marami sa pelikulang hindi pinalad na bigyan ng magandang rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Karamihan dito’y tumatalakay sa usapin ng pulitika, kahirapan, kabaklaan at seks. Pero waring pati ito’y nais na ring pakialaman ng MTRCB.

Sa isang sulat na ipinadala ni Ma. Consoliza Laguardia, kasalukuyang hepe ng MTRCB, kay UP President Roman noong Pebrero 17, 2009, nagpahayag ito ng pagkabahala sa “publiko at komersiyal na pagpapalabas ng mga pelikula sa UP Film Institute nang walang karampatang permiso.”

Ayon pa kay Laguardia sa liham, ang ilan sa mga pelikula ay ipinalabas sa UP sa kabila ng katotohanang ikinlasipika ito ng MTRCB bilang unfit para sa publikong pagpapalabas.

Sa isa pang liham ni Laguardia noong Marso 9, 2009 kay Prop. Anne Marie de Guzman, direktor ng UP Film Institute at sa tatlong prodyuser/direktor ng Aurora, Sagwan at Strictly Confidential, pinagpapaliwanag din niya ang mga nabanggit dahil sa parehong kaso.

Matatandaang binigyan ng “X-rating” ng MTRCB ang Aurora na pinagbidahan ni Rosanna Roces. Hindi umano maaaring ipalabas sa publiko ang eksena ng panggagahasa sa naturang pelikula.

Idinagdag ni Laguardia na ang mga pelikulang ito ay ipinalabas “hindi para sa educational purpose kundi malinaw na para ito kumita.” Nagbabayad umano ng mula P150 hanggang P250 ang bawat manonood para sa tiket.

Binigyan-diin ni Laguardia na nakasaad sa Presidential Decree No. 1986 na bawal magpalabas ng mga pelikulang walang permiso mula sa board. Idinagdag niyang hindi sinasabi sa Republic Act No. 9500 o ang UP Charter of 2008 na hindi kasama ang UP o ang UP Film Institute sa hurisdiksiyon ng MTRCB.

Kalayaang pang-akademiko

Pero iba ang pagtingin ng marami sa pananaw ni Laguardia.

Sa sagot na liham ni UP Vice President for Legal Affairs Theodore O. Te noong Marso 2, hiniling niya sa MTRCB ang kopya ng mga “ulat” hinggil sa umano’y pagpapapalabas ng mga pelikula nang walang permiso, gayundin kaugnay ng komersiyal na pagpapalabas na sumisingil ng mula P150 hanggang P250 kada tiket.

Ayon kay Te, ang UP Film Institute ay integral na bahagi ng akademiko at edukasyunal na layunin ng Unibersidad at saklaw ng kalayaang pang-akademiko na ginagarantiyahan hindi lamang ng RA 9500, kundi maging ng Konstitusyon.

Sinabi pa ni Te na hinihiling nila ang ispisipikong mga detalye at hindi masaklaw na akusasyon para maimbestigahan din ang mga diumanong paglabag.

Samantala, hiniling naman ng isang dating tagapangulo ng MTRCB na muling tahasin ang batas na lumikha sa MTRCB o kaya’y nama’y tuluyan na itong ibasura.

Ito ang reaksiyon ni Armida Siguion-Reyna, dating tagapangulo ng MTRCB, kung paano malulutas ang iringan sa pagitan ng MTRCB at UP kaugnay sa pagbibigay ng permiso sa pagpapalabas ng pelikula.

Sa panahon ng panunungkulan ni Reyna, idineklara nitong “censorship-free” ang UP kasama ng Cultural Center of the Philippines at mga embahada.

Ayon kay Reyna, malinaw ang batas na hindi nangangailangan ng permiso mula sa MTRCB ang UP dahil ginagarantiya ng UP charter at Konstitusyon ang kalayaang pang-akademiko.

Katwiran pa ni Reyna, hindi nangangahulugang komersiyal ang pagpapalabas dahil lamang may binabayarang tiket sa panonood. Maaari umanong nangangailangan ng pondo ang mga organizer ng mga pelikula.

Ang mga pelikulang ipinalalabas sa UP Film Institute ay pinipili ng Film Department ng UP College of Mass Communication sa layuning pataasin ang film literacy sa unibersidad. Ito ang may hurisdiksiyon sa pagpili kung anong pelikula ang ipalalabas.

Matatandaang ipinalabas din sa UP ang mga klasikong pelikulang Pilipino tulad ng Himala, Ora Pronobis, Oro, Plata, Mata, Karnal, Moral at marami pang iba.

Ipinalabas din dito ang Serbis, Masahista at Sikil na kinilala sa iba’t ibang internasyunal na kompetisyong pampelikula tulad ng Festival de Cannes, Vladivostok International Film Fest of Asian Pacific Countries, Bangkok International Film Festival, New York International Film Festival, Torino International Gay and Lesbian Film Festival, Valencia Film Festival, Cancun International Film Festival, Palm Springs International Film Festival at marami pang iba.

Advertisements

Leave a comment

Filed under Film, National Situation

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s