An Hour and a Half of Revolution


Here’s a review of the theater musical “Makata’y Mandirigma, Mandirigma’y Makata” from the December 9, 2009 issue of the Philippine Collegian. For photos, music, and live audio snippets of the play click here.

Isa’t Kalahating Oras ng Rebolusyon

ni Glenn L . Diaz, Philippine Collegian Dis 9, 2009

Hindi pwede ang balat-sibuyas sa UP Theater noong ika-30 ng Nobyembre. Walang pagpapanggap kung salubungin ng palakpakan ng mga manonood ang mga nakataas na M-16 ng mga gumanap na NPA sa dulang Ang Makata’y Mandirigma, Mandirigma’y Makata. Bawal din ang saradong isipan, dahil tila kumawala mula sa entablado ang mga itinuturing taboo na usapin tulad ng komunismo at digmaang bayan. Sa katapusan ng palabas, tila dagat ng mga nakapinid at nakataas na kamao ang buong teatro, umuunday sa ritmo kasabay ng buong giliw na pag-awit ng Internationale, ang pandaigdigang himno ng komunismo.

Hindi simpleng pagkakataong itinapat sa ika-45 anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM) ang pagsasaentablado ng dula. Ipinagdiriwang din nito ang ika-50 taong paglilingkod ni Jose Maria ‘Joma’ Sison, tagapagtatag ng KM, sa lipunang Pilipino. Dahil malinaw at walang pagpapasintabi ang bitbit na ideyolohiya ng dula, tanging mga may malakas na loob at bukas na isipan lamang ang makakatagal sa isa’t kalahating oras na palabas.

Ang gerilya ay tulad ng makata

Pamilyar ang mga tauhan at naratibong tinahak ng dula. Nagbukas ang palabas sa paghain ng katanungan ni Ador, isang kabataang aktibista at makata:

Higit pa ba sa ‘sang punyal
ang dulot na mga sugat
ng hinabi kong tayutay?

Sa simula ng dula, nakakulong at sumasailalim sa tortyur si Ador mula sa kanyang bantay na sundalo na si Zardo. 1979 ang tagpo, kalagitnaan ng panahon ng pagdeklara ng Batas Militar at pagpapatalsik sa diktadurya. Sa saliw ng mga rebolusyonaryong awit at mga flashback, binaybay ng dula ang kwento ni Ador sa loob ng kilusan— mula sa pagiging
mag-aaral at unyonista, hanggang sa pagsanib sa mas laganap na pagkilos at armadong pakikibaka.

Sa kanyang pag-aaral, natunton ni Ador ang batayang kontradiksyon ng lipunang Pilipino:

Mayamang Filipinas,
dukhang sambayanan,
salat ang marami, iilang mayaman.

Sa kabuuan, ang kwento ni Ador ay kwento rin ng KM, kung saan siya nabibilang. Ngunit hindi nakulong sa ganitong biograpikal na lapit ang dula. Sa pamamagitan ng paghaharap ni Ador at ng sundalong si Zardo, tinukoy at sinagot ng dula ang mga karaniwang kontradiksyon sa buhay aktibista.

Halimbawa, nang makalaya na si Ador matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986:

Ngayong bukas na ang pinto
Seldang sa (a)min ay naglayo
Parang nasa sangandaan
Ang tuliro kong isipan.

Ipinatampok din ng dula ang dikotomiyang pamilya-bayan sa sitwasyon ni Ador, kasama ang ilan pang tunggalian sa loob at labas ng kilusan. Ngunit sa huli, kailangang mangibabaw ang isang bagay, ayon sa dula: ang pagbabalik sa “diwa ni Joma” – na ang tagumpay ng pakikibaka ay tanging makakamit sa tulong ng masa.

Sa amoy ng apoy / At sa abo ng paglisan

Itinatatag ni Sison ang KM noong ika-30 ng Nobyembre, 1964. Ngunit bago ito, binuo na rin niya ang Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP), na noo’y naglayong turuan ang mga mag-aaral ng UP suriin ang lipunang Pilipino ayon sa mga ekonomikal na batayang kondisyon alinsunod sa Marxismo. Nang ideklara ang Batas Militar at tinugis ang mga progresibong grupo, nabuwag ang SCAUP at napilitang mag-underground ang KM.

Underground man o hindi, nakilahok ang KM sa malalaking protesta noong dekada 60 laban sa Vietnam War, mataas na presyo ng petrolyo, katiwalian sa pamahalaan, at pang-aapi sa kanayunan. Makalipas ang 45 na taon, patuloy ang
pag-iral ng KM sa kabila ng pagiging underground nito. Maririnig pa rin ang mga chant sa mga rally, makikita ang mga simbolo ng grupo sa pamamagitan ng graffiti. Bagaman tago, mapapansing hindi nalagot ng anumang anti-insurgency program ng pamahalaan ang organisasyon.

Nananatiling makabuluhan ang KM sapagkat walang pinagbago ang mga suliraning kinakaharap ng kabataan at lipunan. Mula sa di-abot-kayang edukasyon at di mapatid na gutom ng mamamayan, hanggang sa suliranin sa lupa at pagkiling ng pamahalaan sa interes ng US, pangalan ng rehimen lang ang napapalitan.

Pamilyar man ang naratibo ng dulang Ang Makata’y Mandirigma, madali itong lapatan ng makabagong suri at iugnay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kung may kakulangan man ang dula, ito marahil ang pagsipat sa tunay na layunin ng palabas. Tinatahi ang dula ng mga simbolo, pananalita, at awitin na partikular sa mga taong pamilyar sa kultura, kaisipan, at kagawiang aktibista.

Sa haba ng panahong napilitang magtago ng organisasyon, at dahil sa tindi ng pagtugis ng pamahalaan laban dito, hindi kagulat-gulat na babad ang dula sa code na maiintindihan lamang ng mga kapwa aktibista. Sa isang banda, dahil inilunsad ang dula upang ipagdiwang ang anibersaryo ng KM, natali ang dula sa antas ng self-glorification, o ang pagsipat sa mithiin ng tagumpay ng mga aktibista. Ngunit dahil sa code na ginamit sa dula, hindi malayong maguluhan at malito ang manonood na hindi pamilyar sa kulturang ito.

Maaaring sabihin, kung ganoon, na lalo lamang nahihiwalay ng dula ang mensahe nito mula sa kalakhan ng masang manunuod.

Dumadaloy sa wakas laban sa kuta

Pamilyar man sa ideolohiya ng KM o hindi, hindi makakailang maganda ang dula. Kamangha-mangha ang laro ng ilaw at anino, magaling ang koryograpiya at pagkanta, at mahusay ang paggamit ng set sa entablado.

Ngunit hindi dapat matali sa estetika at romantisismo ang diskursong rebolusyonaryo. Kung sa dula’y magigilas na mananayaw ang mga kadre ng NPA, marahas sa katotohanan ang digmaan sa kanayunan. Kung may pagkakaibigan at biruan sa pagitan ng bilanggo at sundalo sa dula, pambihira ito mangyari sa post-9/11 na era ng mundo.

Dahil patuloy na tinutugis ng pamahalaan ang KM at iba pang progresibong organisasyon, nauuwi sa mistisismo at haka-haka ang kaalaman ng marami tungkol dito. Sa pamamagitan ng dula, maaaring mahupa ang mga mito tungkol sa KM at ipakita ang katotohanan tungkol sa kilusan.

Lalong tumitingkad ang kahalagahan ng mga dulang katulad ng Ang Makata’y Mandirigma sa kasalukyan— panahon ng makabagong tereyn ng mga nagtutunggaling ideyolohiyang ipinapamudmod sa pamamagitan ng mass media. Sa kasalukuyang panahon kung kailangan tila salamin ng Kanluran ang halos lahat ng bansa sa daigdig, hindi lamang pag-alala’t pagdiriwang ang hatid ng dulang Ang Makata’y Mandirigma, kundi pag-igpaw sa naghaharing sistema.

Bagaman ilang dekada nang nagpapatuloy ang digmaan sa kanayunan at ang patagong pakikibaka ng KM sa lansangan, tagumpay kung maituturing ang paglunsad ng dula sa UP theatre noong ika-30 ng Nobyembre. Sa isa’t kalahating oras na iwinagayway ang pulang bandila at pakikiisa ng mga manonood sa pagkanta ng Internasyonal, bumaliktad
ang dominanteng ideolohiya.

Bagaman pansamantala ang espasyo at panahon, sa isa’t kalahating oras na iyon, nagtagumpay na ang rebolusyon at walang puwang ang sinumanginosente’t nagbubulag-bulagan.

Leave a comment

Filed under Alternative, Music

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s